MANILA, Philippines - Abswelto sa kasong illegal detention ang detenidong negosyante na si Janet Napoles nang baliktarin ng Court of Appeals (CA) ang naunang desisyon ng Makati Regional Trial Court noong April 2015 na siya ay nagkasala sa kasong serious illegal detention na may kinalaman sa pagkulong nito umano sa pinsan na si Benhur Luy.
Hindi kumbinsido ang CA na aktwal na napagkaitan ng kanyang kalayaan si Luy habang siya ay nananatili sa Bahay ni San Jose na isang retreat house sa Makati City.
Batay umano sa mga nakalap na ebidensya, mismong si Luy pa ang humiling na mapasailalim sa spiritual retreat sa Bahay ni San Jose base na rin umano sa journal nito na naglalaman ng kabuuan ng kanyang pananatili sa retreat house at sa kanyang liham sa kanyang pamilya noong February 21, 2013 na naglalahad ng mga ginagawa niya sa loob ng retreat house kagaya ng fasting o pag-aayuno at pagdarasal tuwing alas tres ng madaling araw.
Sa panahon umano na si Luy ay nananatili sa retreat house na hindi rin naman niya naisip na tumakas at hindi rin nasabi sa iba ang kanyang sitwasyon.
Gayunman, mananatili si Napoles sa kulungan dahil may naka-pending pa itong kasong plunder at graft cases sa Sandiganbayan na may kinalaman sa paggamit ng kanyang mga pekeng NGO sa kontrobersiyal na pork barrel ng mga mambabatas.
Nagpahayag naman ng pagkadismaya ang kampo ni Luy sa naging decision ng CA.