MANILA, Philippines - Nagbabala kahapon ang British government sa kanilang mamamayan na umiwas na pumunta sa Manila area,?t ilang bahagi ng Mindanao kaugnay ng dalawang insidente ng pambobomba sa Quiapo na ikinasawi ng dalawang katao.
Sa travel warning na inilabas ng Foreign and Commonwealth Office (FCO) ng United Kingdom, pinag-iingat ang kanilang mamamayan na bumiyahe o tumungo sa mga nabanggit na bahagi ng Pilipinas kasunod ng dalawang pagsabog sa Quiapo area nitong Sabado ng gabi.
“Two explosions in the Quiapo area of Manila were reported in the early evening of Saturday 6 May 2017. Reports indicate a number of fatalities and serious casualties. You should avoid this area, keep up to date with local media and follow the advice of the local authorities,” ayon sa travel warning.
Inaabisuhan rin ng FCO ang mga British nationals na iwasan lahat ang pag-travel sa Western Mindanao at Sulu archipelago dahil na rin sa mataas na banta umano ng pag-atake ng mga terorista at sa nagaganap na sagupaan ng militar at insurgent groups doon.
Pinapayuhan ng FCO ang mga Briton na iwasan ding bumiyahe sa ilang parte ng Mindanao at sa katimugang bahagi ng Cebu kabilang ang mga munisipalidad ng Dalaguete at Badian, dahil sa banta ng terorismo.
Bukod dito, tumaas din umano ang kaso ng kidnapping sa mga foreign nationals, kabilang na ang pag-atake sa mga dayuhan at turista ang target simula pa umano noong?2015.
Tinukoy rin sa advisory ang mga paglalabas ng travel warning ng US sa mga Amerikano noong Abril 9, 2017 na nagsasabing nakatanggap sila ng “unsubstantiated yet credible information” na ang mga teroristang grupo ay magsasagawa ng mga pagdukot sa Central Visayas, kabilang na dito ang Cebu at Bohol provinces”.