MANILA, Philippines - Tinatayang nasa 26 preso ang namatay sa iba’t ibang sakit dahil sa masisikip na kulungan sa iba’t ibang detention cell sa mga police station sa Metro Manila.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director Oscar Albayalde na nagsagawa sila ng mga inspection sa ibat ibang detention facility sa Metro Manila at dito ay kanilang nakita ang pagsisiksikan ng mga preso na ang kaso ay dahil sa droga.
Base sa record, nasa 18 preso na umano ang namatay sa area ng Taguig at sa mga MPD detention cell ay 6 preso ang namatay sa nakalipas na anim na buwan.
Kabilang aniya sa dahilan ng kamatayan ng mga ito ay dahil sa iba’t ibang uri ng sakit tulad ng tuberculosis, cardiac arrest, blood infection at heart attack at poor hygiene ng kulungan.
Nabatid, na 15 preso ngayon sa MPD Integrated District Jail ang nangangailangan ng atensyong medikal kabilang ang isang 3 buwang buntis.
Nalaman din, na overcrowded ang naturang kulungan, na ang kapasidad lamang nito ay nasa 100 na preso, subalit nasa 168 na ang nakakulong dito.
Ang isa sa nakikita nilang solusyon ay mailipat sa poder ng Bureau of Jail Management and Penology na hindi naman agad magagawa dahil kailangan pa ang court order.