MANILA, Philippines - Hindi pinalusot ng makapangyarihang Commission on Appointments si Environment Secretary Gina Lopez.
Bagaman at ginawang sekreto ang botohan ng 24 miyembro at ex-officio members ng CA, lumalabas na walo ang bomoto para sa kumpirmasyon ni Lopez, samantalang 16 naman ang kumontra.
Si Senator Manny Pacquiao, chair ng Senate CA Committee on environment and natural resources ang bumasa sa plenaryo ng rekomendasyon ng komite na nagsasabing rejected o hindi nakumpirma si Lopez.
Hindi na binanggit ni Pacquiao kung ano ang naging resulta ng botohan na ginawa sa pamamagitan ng executive session.
Kinumpirma naman nina Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III, Senators Joseph Victor Ejercito, Loren Legarda at Francis Pangilinan na bomoto sila para kay Lopez.
Sinabi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na nagkasundo ang apat na miyembro ng LP na suportahan si Lopez pero kinapos pa rin ang kanilang boto.
Bukod kay Drilon at Pangilinan, miyembro rin ng LP sina Senators Bam Aquino at Ralph Recto.
Bukod kay Lopez, nauna ng nabigo na makalusot sa CA si dating Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay dahil sa isyu ng kanyang citizenship.
Dahil hindi nakalusot sa CA, hindi na maaring italaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Lopez para maging environment secretary.
Hindi naman napigilan ni Lopez na maging emosyonal ng humarap ito sa media matapos mabigong makumpirma at sinabi nito na nanghihinayang siya dahil marami silang plano para mapangalagaan ang kalikasan.
Sinabi pa ni Lopez na kung siya ang tatanungin nais niyang si Pangulong Rodrigo Duterte na lamang ang susunod ng DENR Secretary.