MANILA, Philippines - Naglabas ng kautusan kamakalawa ng gabi si Pangulong Rodrigo Duterte na kanyang ipinagbabawal sa kanyang mga gabinete ang paggamit ng “special plate” gayundin ang paggamit ng “wang wang”.
Ginawa ni Pangulong Duterte ang kautusan sa kanyang mensahe sa pagdiriwang ng Labor Day sa Peoples Park sa Davao City.
Ayaw umano ng Pangulo na magkaroon ng espesyal na pagtrato sa mga taong gobyerno lalo sa pagpapatupad ng batas-trapiko sa lansangan.
Ang plakang numero 1 ay para sa President habang plate number 2 ay nakalaan para sa bise president; number 3 sa senate president; number 4 sa house speaker; number 5 sa chief justice ng supreme court, number 6 sa cabinet secretaries, number 7 sa mga senador at number 8 ay para naman sa mga kongresista.
Samantala, hindi naman niya maaaring pagbawalan ang ibang matataas na opisyal ng pamahalaan dahil hindi na ito saklaw ng executive department.
Bukod sa paggamit ng special plate, ayaw ding mababalitaan ni Duterte ang miyembro ng kanyang gabinete na gumagamit ng ‘wang-wang’ upang hindi ito maabala sa lansangan.
Ipinaliwanag ng Pangulo, siya mismo ay hindi gumagamit ng ‘wang-wang’ dahil sa nakakaabala ito sa ibang motorista sa lansangan na animo’y siga sa kalsada ang dumadaan.