Sub Commander ng Abu Sayyaf patay sa bakbakan

MANILA, Philippines -  Dumanas ng panibagong dagok ang mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG)  matapos mapaslang ang isang Sub-Commander ng kanilang grupo na sangkot sa kidnapping for ransom matapos makaengkuwentro ang tropa ng militar sa kagubatan ng Indanan, Sulu nitong Biyernes ng gabi.

Nitong Sabado, kinumpirma ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Eduardo Año na si ASG Sub Commander Alhabsy Misaya ay napatay sa engkuwentro sa tropa ng Joint Task Force Sulu sa ilalim ng superbisyon ni Brig. Gen. Cirilito Sobejana sa kagubatan ng Brgy. Silangkan, Indanan, Sulu bandang alas-9:35 ng gabi.

Sinabi ni Año na si Misaya , bilang isa sa mga lider ng mga bandido ang isa sa mga pinaka-notoryus na kidnappers sa katimugang bahagi ng bansa.

Sa tala ng militar si Misaya, isang lider ng Abu Sayyaf na nakabase sa Sulu ay may warrant of arrest sa kasong kidnapping at serious illegal detention with ransom.

Inihayag naman ni AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla na kabilang sa mga kasong kinasasangkutan ng grupo ni Misaya ay pambobomba sa Malagutay Complex sa Zamboanga City noong Oktubre 2002 na ikinasawi ni US serviceman Sgt. Mark Jackson at pagkasugat ng 23 iba pa kabilang ang isa pang US Serviceman at iba pa.  

Show comments