3 Kumpanya ni-raid ng NPA rebels
MANILA, Philippines - Sinunog ng tinatayang nasa 80 mga armadong rebeldeng New People’s Army (NPA) ang mga heavy equipments na nasa milyong halaga matapos salakayin ang Lapanday Foods Corporation at dalawang iba pa sa magkakahiwalay na raid sa lungsod ng Davao nitong Sabado ng madaling araw.
Base sa inisyal na ulat ng Police Regional Office (PRO) 11, bandang alas- 3:30 ng madaling araw ng unang umatake sa Lapanday Foods Corporation ang mga rebeldeng miyembro ng Pulang Bagani Command sa Brgy. Mandug ng lungsod.
Ayon sa pulisya, agad pinuntirya ng mga rebelde ang guard house at barracks sa fruit company, dinisarmahan ang mga guwardiya saka sinunog ang mga heavy equipments dito.
Base pa sa report isinunod namang salakayin ng NPA rebels ang Macondray Plastic Plant sa Brgy. Bunawan kung saan dinisarmahan rin ang mga security guards dito at isinunod ang Lorenzo Ranch sa Brgy. Pangyan, Calinan District ng lungsod.
Samantalang habang nagreresponde naman sa Brgy. Mandug ang mga elemento ng Task Force Davao ay sumabog ang landmine na ikinasugat ng isang vendor na kasunod ng convoy ng militar at pulisya sa lugar. Nabatid pa na pangingikil ng revolutionary tax ang motibo ng NPA rebels .
- Latest