MANILA, Philippines - Upang matiyak ang mapayapa at maayos na pagdaraos ng ika-30th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit na gaganapin sa bansa ngayong linggo ay itinaas na kahapon ng Philippine National Police (PNP) sa full alert status ang kanilang buong puwersa.
Inianunsyo kahapon ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Director General Ronald “Bato’ dela Rosa matapos ang show of force ng PNP, AFP at iba pang task force multipliers para sa ASEAN Summit na gaganapin sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City sa darating na Abril 26-29.
Sinabi ni dela Rosa na bagaman wala naman silang namo-monitor na direktang banta sa mahalagang okasyon na iniho-host ng bansa nakalatag na ang lahat ng contingency plans para tiyakin ang kaligtasan ng mga delegado at VIPs na dadalo sa ASEAN.
Ang nasabing Summit ay dadaluhan ng 10 ASEAN member nations, dialogue partners, observers at kanilang mga delegasyon.
Nasa 40,877 namang puwersa ang iminobilisa ng PNP at ng mga Task Force multipliers mula sa 21 agencies kabilang din ang AFP, Presidential Security Group (PSG), National Bureau of Investigation, Bureau of Immigration (BI), National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at iba pa.