Dumalaw sa kaibigan utas sa tandem

MANILA, Philippines - Naging sanhi ng kamatayan ng isang 24-anyos na lalaki na taga-Baguio City ang pagdalaw nito sa isang kaibigan matapos na barilin sa noo ng isang lalaki na angkas sa isang motorsiklo sa isang steak house sa Malate, Maynila kahapon ng madaling araw.

Namatay noon din ang biktimang si Marlon Joseph del Rosario, binata, ng Baguio City at may mga kaanak sa no. 1149 Francisco, Malate, Maynila.

Batay sa ulat, dakong alas-12:05 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa harapan ng NLC Residences sa Estradast kanto ng  Arellano St., Malate.

Nabatid na naglalakad ang biktima at kaibigang si Keith Ibanez matapos kumain sa Alex Old Steak House nang  may humintong motorsiklo at bumunot ng baril ang angkas at  binaril ang biktima sa noo.

Tumakas agad ang mga suspek habang ang kasama ng biktima ay  nataranta at muling pumasok sa nasabing steak house para humingi ng saklolo.

Ayon umano sa mga kaanak, walang kaaway ang biktima at hindi rin sangkot sa iligal na droga.

Dumalaw lamang umano sa dating tinitirhan ang biktima para makasama ang mga kaibigan at pauwi na rin umano ng Baguio City.

Show comments