Dahil sa Facebook...34-anyos na nobyo ng 12-anyos dalagita inaresto
MANILA, Philippines - Sa kulungan bumagsak ang isang 34-anyos na lalaki nang ito ay ireklamo ng ama ng 12-anyos na dalagita na nobya nang maharang sa Pier 4, North Harbor matapos tangkang itanan para dalhin sa lalawigan ng Cebu.
Ang suspek na inaresto ng District Police Intelligence Operation Unit ng Manila Police District ay kinilalang si Nathaniel Moncada Espia, nagmula pa sa Talisay, Cebu at tubong Davao.
Sa salaysay ng biktima na itinago sa pangalang Honey, grade 7 at residente ng Singalong, Maynila na Enero 26 ng taong kasalukuyan nang makilala niya ang suspek matapos makita sa Facebook account ang friend request nito na kaniyang inaccept. Simula iyon ng madalas nilang chat sa messenger hanggang sa mga video call at niligawan na siya ng suspek.
Hiningi rin ng suspek ang kaniyang cell phone number at ito pa ang ang nagpapa-load para sa kaniyang cell phone.
Inamin ng dalagita na sinagot niya ang suspek bilang boypren na unang nagsabing 25 anyos lamang at kalaunan ay inamin na siya ay 34 anyos na.
Napag-usapan umano nila ang halos lahat ng bagay sa kanilang pamilya at buhay hanggang sa tanggapin niya ang alok ng suspek na pag-aaralin siya at aalagaan kung magtutungo sa Cebu.
Natanggap ng dalagita ang padalang pamasahe sa pamamagitan ng Smart padala at nagtungo sa Pier 4 2GO ang biktima para sana bumiyahe dala ang mga gamit, subalit hinanapan siya ng guwardiya ng clearance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil menor-de-edad na walang kasamang magulang o kaanak.
Dahil walang maipakita ay bigong bumiyahe patungong Cebu ang dalagita at umuwi na lamang sa kanila.
Dito na nabisto ng ina ang anak na dala ang mga gamit sa pag-uwi nito kaya napilitang ipagtapat ang lahat.
Natuklasan din ng ama na hindi nagbayad ng matrikula ang ina ng biktima dahil ayaw na mag-aral nito simula noong Enero para sa Cebu na lang ipagpatuloy.
Nang muling tumawag ang suspek ay kinausap ito ng ama ng biktima na tigilan ang anak subalit naging makulit ang suspek hanggang sa kunin ang simcard ng anak at doon niya natuklasan pa ang mga pangungulit.
Nitong Abril 9, 2017 ay bumili ng bagong simcard ang biktima at muli silang nakapag-usap ng suspek na magkikita sa Maynila.
Naging dahilan ito para idulog ng ama sa otoridad ng ang nangyayari at pagdating ng suspek sa Maynila.
Nakatakda nang sampahan ng reklamong paglabag sa Republic Act 9208 Section 4 (Trafficking in Person Act) in relation to RA 7610 (Child Abuse Act) ang suspek sa Manila Prosecutor’s Office.
- Latest