MANILA, Philippines - Isang police major ang pinagbabaril ng riding- in-tandem criminals habang nagpapakarga ng gasolina kahapon ng madaling araw sa Pasig City.
Hindi na umabot ng buhay sa Pasig City General Hospital dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Chief Inspector Rommel Macatlang, 52, nakatalaga sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)- National Capital Region sa Camp Crame.
Batay sa ulat, bago naganap ang pamamaril sa biktima dakong alas-12:30 ng madaling araw ay pauwi na ito sa kanyang bahay sakay ng puting Mitsubishi Adventure (CRT-560) at dumaan ng Shell gasoline station sa panulukan ng F. Ortigas Jr. at Meralco Avenue, Brgy. San Antonio para magpakarga.
Nabatid na galing ang biktima sa selebrasyon ng kaarawan ng hepe ng CIDG-NCR na si Sr. Supt. Billie Tamayo.
Habang kinakargahan ang kanyang sasakyan ay biglang sumulpot sa lugar ang motorcycle riding in tandem at agad na bumunot ng baril ang backrider at pinagbabaril nang sunud-sunod ang biktima.
Pagbagsak ng biktima ay mabilis namang nagsitakas ang mga suspek patungo sa hindi pa malamang destinasyon.
Nirerebyu ng mga imbestigador ang footage ng CCTV camera na nakakabit sa lugar upang matukoy ang mga salarin.