17 lugar apektado ng bagyong Crising

MANILA, Philippines - Labingpitong lugar sa bansa ang isinailalim sa Tropical Cyclone War­ning Signal (TCWS1) habang umalerto na rin ang National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) sa bagyong Crising nitong Sabado ng umaga.

 Sa update ng viber at facebook update  pa­sado alas-8 ng umaga ng NDRRMC, mula sa 14 lugar na una nang isinailalim sa TCWS1 ay nadagdagan ito ng  tatlo pa.

Base sa data ng PAGASA, kabilang sa mga lugar na isinailalim sa TCWS 1 ay ang Sorsogon, Burias island, Romblon, Masbate kabilang ang Ticao island, Aklan, Antique, Iloilo, Capiz, Northern Cebu, Northern Negros Occidental, Northern Samar, Eastern Samar, Samar, Biliran, Leyte at Southern Leyte.

Samantalang maaari ring madagdag pa ang Camarines Norte, Marinduqe at lalawigan ng Mindoro.

Ayon kay NNDDRMC Executive Director Ricardo Jalad, patuloy ang kanilang monitoring sa bagyong Crising na na­panatili ang lakas habang papalapit na sa lalawigan ng Samar na inaasahang magbubuhos ng ulan sa 250 KM diyametro. Ang bagyo ay tumama sa kalupaan ng Samar na nagbuhos ng mula katamtaman hanggang malalakas na pagulan.

Samantalang, nagbabala rin ang NDRRMC sa mga residente na naninirahan sa mga mababang lugar na binabaha at mga naninirahan sa paanan ng bundok na mag-ingat sa landslides at flashfloods. Pinapayuhan rin ang mga mangingisda sa mga apektadong lugar na ipagpaliban muna ang pamamalakaya.

Show comments