MANILA, Philippines - Tatlumpu’t pito (37) katao ang humantong sa kalaboso matapos arestuhin ng mga operatiba ng pulisya nang maaktuhang nagsasagawa ng illegal na tupada sa inilunsad na anti-gambling operation sa tatlong barangay sa Pasig City, kamakalawa.
Batay sa ulat ng Pasig City Police kay Eastern Police District (EPD) Director P/Chief Supt. Romulo Sapitula, unang naaresto ng mga tauhan ng Station Intel sa pangunguna ni P/Insp. Arnel Cruz ang 25 katao matapos maaktuhang illegal na nagtutupada dakong alas-9:20 ng umaga sa Leticia Ville, Caliwag, sa Barangay Pinagbuhatan. Ang mga suspek ay nakumpiskahan ng dalawang manok na panabong, at P3,280 na bet money.
Pagsapit naman ng alas-11 ng umaga ay sumunod na naaresto ng mga tauhan ni Cruz ang 10 iba pang suspek habang illegal na nagsasabong sa Tuazon Street, sa Barangay Kalawaan at nakumpiska mula sa mga ito ang dalawang panabong na mga manok, tatlong tari at P4,000 cash na pamusta ng mga suspek.
Samantala, dakong alas-5:48 ng hapon nang maaresto ang mga suspek na sina George Bacani at Aldrin Velasco dahil sa illegal na tupada sa Masagana Compound, sa Brgy. San Miguel.
Nakatanggap ng ulat ang mga tauhan ng Police Community Precinct Station 5 hinggil sa illegal cockfighting sa lugar kaya’t rumesponde, na nagresulta sa pagkakadakip ng mga suspek, na nakumpiskahan din ng dalawang manok na panabong at P700 na bet money. Nahaharap ngayon sa kasong kriminal ang mga nasakoteng suspek.