MANILA, Philippines - Nasawi ang tatlong miyembro ng Cafgu habang 11 pa sa tropa ng pamahalaan ang nasugatan nang makasagupa ang mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) kahapon ng umaga sa Brgy. Cabcaban, Sumisip, Basilan.
Hindi muna pinangalanan ang tatlong nasawing Cafgu habang ang 11 sugatan kabilang ang anim na sundalo at limang Cafgu ay isinugod sa Camp Navarro Hospital sa Zamboanga City para malapatan ng lunas.
Ayon kay Captain Jo-Ann Petinglay, Spokesperson ng AFP Western Mindanao Command bago naitala ang bakbakan sa pagitan ng mga bandido at 4th Special Forces Battalion (SFB) bandang alas -7:15 ng umaga sa nasabing lugar ay kasalukuyang nagsasagawa ng security patrol ang tropa ng 4th Special Forces Company (SFC) sa ilalim ng Joint Task Force Basilan sa lugar nang makasagupa ang mga bandido.
Nagsagawa naman ng reinforcement ang 1st Special Forces Company (SFC) at pinaulanan ng grenade launcher ng mga bandido at posibleng nagtamo rin ng malaking bilang ng mga nalagas at nasugatan ang mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) batay sa nakitang mga patak ng dugo sa lugar ng bakbakan.