2 tserman kinasuhan sa illegal parking

MANILA, Philippines -  Sinampahan ng kaso ng Metropolitan Manila Deve­lopment Authority (MMDA) sa Office of the Ombudsman ang dalawang barangay chairman dahil sa umano’y pagkunsinti sa illegal parking sa kanilang nasasakupan sa kabila ng isinagawang “clearing o­perations” ng ahensya.

Kinilala ni MMDA spokesperson Celine Pialago ang kinasuhang mga opisyal na sina Antonio Calma, Jr., ng Barangay Don Manuel at Clarito De Jesus ng Barangay Veterans Village, kapwa ng Quezon City.

Habang apat sa Quezon City at isa sa Parañaque City na mga barangay chairman nakatakdang sampahan ng kaso ngayong linggo.

Ayon kay Atty. Vic Nunez na sasampahan ang mga naturang opisyal ng “neglect of duty” dahil nakasaad umano sa Local Government Code of the Philippines na responsibilidad ng mga opisyal ng barangay ang pagpapanatili sa kaayusan sa mga kalsada at daluyan ng tubig.

Ayon pa kay Pialago, paulit-ulit na silang nagsagawa ng clearing operation sa barangay ng dalawang chairman sa mga iligal na nakaparadang sasakyan nitong Enero at Pebrero ngunit nang balikan nila ay nananatili ang mga nakaparadang behikulo. 

Ang iba namang barangay chairman ay kakasuhan din dahil sa kawalang aksyon sa illegal parking, terminal at vendors.  

Show comments