MANILA, Philippines - Matapos ang 5.5 magnitude na lindol noong Martes ay isinailalim na kahapon sa state of calamity ang lalawigan ng Batangas na naramdaman rin sa 19 lugar sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon.
Ang pagsasailalim sa state of calamity sa lalawigan ay inianunsyo ni Batangas Gov. Hermilando Mandanas kung saan napinsala ng lindol ang Batangas Capitol Building na tinatayang aabot sa P 18-M ang halaga.
Naapektuhan din ang mga komersyal na establisyimento at mga simbahan sa lalawigan kabilang ang siglo na ang itinagal na Saint Martin of Tours Basilica sa Taal na nagtamo ng bahagyang pinsala na dinarayo sa lalawigan partikular na kapag sumasapit ang Semana Santa.
Wala namang naitalang nasugatan at nasawi sa pagyanig ng lindol na nakasentro sa hilagang kanluran ng Tingloy, Batangas.
Itinaas na rin sa red alert status ni Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) Director Vicente Tomazar ang buong CALABARZON (Calamba, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).
Magugunita na bandang alas – 8:58 ng gabi base sa tala ng PHIVOLCS nang maramdaman ang 5.5 lindol sa Tingloy, Batangas kung saan Intensity V naman sa Malvar at Calatagan.