MANILA, Philippines - Isang 20-anyos na binata ang dinakip makaraang magbiro na may lamang bomba ang dalang backpack habang papasok sa isang mall sa Caloocan City, noong Sabado ng gabi.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1727 o batas na nagbabawal sa pagsasagawa ng biro tungkol sa bomba ang suspek na si Haroeh Lagat, factory worker at residente ng Malabon City.
Batay sa ulat, dakong alas-7:00 ng gabi ay papasok sa isang mall sa may JP Rizal Avenue Extension si Lagat kasama ang mga barkada nang magbiro umano ito na may bomba ang kanyang backpack bag habang iniinspeksyon ng nakatalagang guwardiya.
Tumawag ng responde ang security ng naturang mall dahilan para rumesponde ang mga tauhan ng Special Reaction Unit (SRU) ng Caloocan City Police.
Nagkaroon pa ng maigsing habulan hanggang sa makorner si Lagat sa may bahagi na ng Monumento Circle.
Inamin ng suspek na nagbiro siya sa mga barkada na may dalang bomba ang backpack ngunit hindi umano sa guwardiya.