MANILA, Philippines - Nagsagawa kahapon ng indignation rally ang mga supporters ni Pangulong Rodrigo Duterte na tinawag nilang “Palit-Bise” sa layuning mapatalsik sa posisyon bilang Bise-Presidente si Leni Robredo, sa Burnham Green, Quirino Grandstand.
Nagsidatingan dakong alas-4:00 ng hapon ang mga taga-suporta ni Pangulong Duterte kaugnay sa panawagan na makiisa ang publiko sa rally para matigil ang mga panghihiya sa Pangulo nina Robredo at Magdalo party-list Representative Gary Alejano.
Anila, si Robredo ang sumisira umano sa imahe ng Pilipinas dahil sa mensahe nito sa United Nations hinggil sa mga patayan sa war on drugs ng pangulo habang si Alejano naman ang naghain ng impeachment complaint sa Ombudsman laban kay Duterte.
Bukod sa Quirino Grandstand sa Luneta, mayroon ding ‘Palit-Bise” rally sa iba pang lugar sa bansa at sa Filipino community sa iba’t ibang bansa tulad ng Dubai; Taiwan, Tokyo, Macau, Japan, Canada, Australia, Germany, Switzerland, United Kingdom, California at Hong Kong, sa magkaka-ibang petsa na nagsimula ng Marso 31 at pinakahuli ang Abril 9.
Iginiit ng mga grupong sumusuporta kay Duterte na walang pulitiko na nagbigay ng pondo para sa rally kundi mga kontribusyon at donasyon ng mga tagasuporta na nagmula sa iba’t-ibang panig ng mundo.