MANILA, Philippines - Matapos mahuli kamakalawa sa aktong bumabatak ng shabu si Supt. Lito Cabamongan,50, kasama ang isang babae sa isang bahay sa Las Piñas City ay nagpositibo ito sa isinagawang drug test ng PNP Crime Laboratory sa Camp Crame.
Si Cabamongan, ay ang nasibak na hepe ng PNP Crime Laboratory Satellite Office sa Alabang, Muntinlupa City matapos maaresto ay isinalang sa drug test habang isinasailalim sa masusing imbestigasyon.
Kapag lumitaw na positibo sa paggamit ng droga sa confirmatory test si Cabamongan ay ito ang pagbabasehan ng pagsasampa ng karagdagang kasong grave misconduct upang tuluyan na itong masibak sa serbisyo.
Sa kasalukuyan si Cabamongan ay nakatalaga sa General Services Section (GSS) Administration and Records Management Division sa PNP Crime Laboratory sa National Headquarters ng PNP.
Magugunita na si Cabamongan, at isa pang drug user na si Nedy Sabdao, 44 ay nahuli ng mga operatiba sa aktong bumabatak ng shabu sa loob ng isang bahay sa Everlasting Homes, Brgy. Talon IV bandang alas-5:30 ng umaga noong Huwebes.
Isasalang rin sa neuro psychiatric test si Cabamongan dahilan sa hindi magandang inasal nito nang iharap ito ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief P/Director Oscar Albayalde kay PNP Chief P/Director General Ronald “Bato’ dela Rosa sa press briefing sa Las Piñas City.
Sa nasabing insidente ay walang pasubaling sinagot-sagot ng pabalang at hindi binigyan ng respeto ni Cabamongan si Dela Rosa na sinabing nagsu-surveillance lamang umano siya sa lugar at hindi tumitira ng droga para umano manghuli ng mga drug addict.
Nabatid na matagal nang nasibak sa serbisyo si Cabamongan matapos itong unang arestuhin kamakailan dahilan sa panggugulo sa isang sinehan kung saan nagpumilit itong manood ng sine ng libre dahilan isa umano siyang opisyal.