MANILA, Philippines - May bisa pa umano ang ipinalabas na arrest order ng Manila Regional Trial Court laban kina Felicia Aquino sa kasong P3.4-M qualified theft kaugnay sa Harbour Centre Port Terminal, Inc. (HCPTI) at sa halip ay inatasan ng CA ang abogado ni Aquino na si Atty. Jerome Canlas na magsumite ng kanilang komento sa loob ng 10-araw.
Kasama din na ipinaaresto ni Manila RTC Judge Cicero Jurado Jr., si Edwin L. Jeremillo.
Si Aquino ang umano’y kahera at si Jeremillo naman ang chief operating officer noong si Rep. Michael Romero Romero ang chief executive ng HCPTI.
Una ng ibinasura ni Judge Jurado ang mosyon na isinumite nina Romero at Jeremillo upang maisuspinde ang pagpapatupad ng nasabing arrest warrant na inilabas noong Enero.
Lumalabas sa resolution na ipinalabas ng Manila Prosecutor’s Office na isinumite sa korte na sina Aquino at Jeremillo ay nagsabwatan umano noong 2007 sa pag-isyu ng 18 tseke sa loob ng isang araw na nagkakahalaga ng P200,000 na umano’y marketing expenses at ibabayad sa National Food Authority.