MANILA, Philippines - Isinusulong ni Anakpawis Rep. Ariel Casilao ang pagpapawalang saysay o bisa ng Republic Act 7279 o ang Urban Development and Housing Act (UDHA) of 1992..
Sinabi ni Casilao na ang UDHA ang ugat ng patuloy na mararahas na demolisyon sa mga lugar ng informal settlers at mga anomalya sa Development ng mga relocation sites.
Ang House Bill 559 ay inihain ng kongresista para mapawalang-saysay ang UDHA kasabay naman ang pagsusulong ng House Resolution 283.
Ang nasabing resolusyon ay nagpapadeklara ng nationwide moratorium sa mga demolisyon sa urban poor communities.
Giit ni Casilao, walang silbi ang UDHA dahil bigo ito na pagsilbihan ang interes ng mahihirap.
Ang panukala ay iginigiit ng kongresista sa gitna ng sapilitang pag-ookupa ng mga miyembro ng Kadamay sa mga housing units sa Pandi, Bulacan.