MANILA, Philippines - Nasilat ng Philippine National Police (PNP) ang posibleng pag-atake ng Maute Group sa Metro Manila makaraang maaresto ang isang suspek na umano ay nagkakanlong sa Maute fighters.
Iprinisinta sa media ni PNP Chief Director General Ronald dela Rosa ang suspek na si Nasip Ibrahim, 35, tubong Marawi City, Lanao del Sur, ng Barangay Culiat, Quezon City.
Nasamsam sa suspek ang iba’t ibang armas, mga bala, sangkap sa paggawa ng bomba at sachets ng shabu.
Bandang alas-9:15 ng gabi nitong Lunes nang masakote ng mga operatiba ng Quezon City Police District Special Operations Unit (DSOU) sa pamumuno ni Supt. Rogarth Campo at iba pang units ang suspek sa operasyon sa No. 31 A Libyan Street, Salaam Compound ng nasabing lugar.
Sinalakay ng mga otoridad ang hideout ng suspek sa Salaam Compound upang isilbi sana ang warrant of arrest laban kay Jamil Baja Tawil sa kasong illegal possession of firearms na umano’y kinakanlong ni Ibrahim, subalit nakatakas ito.
Sinabi naman ni Police Director Oscar Albayalde, chief of the National Capital Region Police Office (NCRPO), na ang suspek ay kabilang sa nabigong pagpapasabog sa US Embassy noong nakalipas na taon.
Ayon pa kay Albayalde pinaniniwalaang may naitayo ng terror cell ang grupo sa Metro Manila at maging sa Tanza, Cavite kung saan na-monitor ang presensya ng teroristang grupo.
“Ito ang lumalabas na siya ang pinaka-contact nila rito. He is providing them safe haven because he has been living in Barangay Culiat, doon sa Salam Compound since 1992,” wika ni Albayalde.
Ayon pa kay Albayalde na ang mortar shell na narekober mula kay Ibrahim ay gagamitin sana sa Traslacion ng Black Nazarene at sa Miss Universe pageant sa MOA.