MANILA, Philippines - Sumuko na sa kanilang mga superiors ang 19 pulis sa pamumuno ni Supt. Marvin Wynn Marcos na ipinag-utos ng korte na arestuhin kaugnay ng kasong murder laban kay dating Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr. na napatay sa raid sa detention cell noong Nobyembre ng nagdaang taon.
Ayon kay PNP Spokesman P/Sr. Supt. Dionardo Carlos kasalukuyan nang isinasailalim sa booking procedure tulad ng finger printing, mug shot at medical examination sina Supt. Marcos.
Ang pag-iisyu ng warrant of arrest ni Presiding Judge Carlos Arguelles ng Regional Trial Court (RTC) Branch 14 ng Baybay City ay kinumpirma ni PNP Chief P/Director General Ronald “Bato’ dela Rosa kaugnay ng kasong murder.
Kabilang naman sa mga isinailalim sa booking procedure ay sina Supt. Marvin Wynn Marcos, dating Chief ng Criminal Investigation and Detection Group ( CIDG) 8 ; Supt. Santi Noel Matira, Chief Inspector Leo Laraga, SPO4 Melvin Cayobit, PO3 Johnny Ibañez, Chief Inspector Calixto Canillas Jr., SPO4 Juanito Duarte, PO1 Lloyd Ortigueza, Sr.Insp Fritz Blanco, PO1 Bhernard Orpilla, Sr. Inspectors Deogacias Diaz III, SPO2 Benjamin Dacallos, PO3 Norman Abellanosa, PO1 Jerlan Cabiyaan, Insp. Lucrecito Candilosas, SPO2 Antonio Docil, SPO1 Mark Christian Cadilo, PO2 Jhon Ruel Doculan at PO2 Jaime Bacsal.
Sinabi ni Chief Supt. Elmer Beltejar, Police Regional Office 8 Regional Director, ang mga suspek ay boluntaryong sumuko sa kaniyang tanggapan para sa accounting at imbestigasyon sa mga ito matapos na ipalabas ng korte ang warrant of arrest. Magugunita na si Espinosa Sr. ay napatay sa raid ng CIDG 8 sa Sub Provincial Jail ng Baybay City Jail noong Nobyembre 5, 2016 kung saan nadamay rin sa insidente ang drug suspek na si Raul Yap.
Nauna nang lumitaw sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) na rubout ang pangyayari at ayon naman sa pagdinig ng Senado ay sinadyang patahimikin ang alkalde bilang cover-up sa pagkakasangkot ng ilang mga akusadong opisyal sa payola sa illegal drug trade ni Rolan Kerwin.