MANILA, Philippines - Napaslang sa air strike operations ang isang dayuhang lider ng Jemaah Islamiyah (JI) terrorist at siyam pang miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na inilunsad ng tropa ng militar laban sa teroristang grupo sa Brgy. Tee at Brgy. Andavit; pawang sa Datu Salibo, Maguindanao, ayon sa opisyal kahapon.
Ito ang kinumpirma ni Captain Arvin Encinas, Spokesman ng Army’s 6th Infantry Division na sinabing sa kasalukuyan ay patuloy pa ang opensiba ng tropa ng pamahalaan upang lipulin ang nalalabi pang miyembro at mga lider ng BIFF.
Ayon kay Encinas, nakatanggap ng impormasyon ang militar na kabilang sa mga nasawi ay isang lokal na bomber at isang dayuhang lider ng JI terrorist. Gayunman kasalukuyan pang kinukumpirma ang pagkakakilanlan sa mga ito.
Ang air strike operations ay nag-umpisa partikular na nitong nakalipas na Marso 13 at 14 at nagpapatuloy pa ang pinaigting na opensiba hanggang sa kasalukuyan. Isa namang sundalo ang nasugatan sa insidente. Nasamsam naman ang limang Improvised Explosive Device at iba pang paraphernalia ng bomba.
“The Command utilized all available air assets, artillery as well as armor assets in support of and in conjunction with the ground operations of the different field units of the Joint Task Force (JTF) Central”, pahayag naman ni Major Gen. Arnel dela Vega, Commander ng Army’s 6th Infantry Division (ID) na sinabing matinding dagok ang sinapit ng mga teroristang grupo.