CEBU, Philippines - Nagsanib-puwersa sa unang pagkakataon ang Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) at Laguna Lake Development Authority (LLDA) upang matupad ang multimodal express na light rail transportation at ferry boat system na babaybay nang balikan mula Pasig River hanggang sa Laguna de Bay.
Sa pulong kamakalawa nina PRRC Executive Director Jose Antonio E. Goitia at LLDA General Manager Jaime C. Medina, bubuhayin ng dalawang ahensiya ang makasaysayang ruta na ginamit ng sinaunang Pilipino sa ambisyosong episyenteng proyekto na tiyak lulutas sa malubhang trapik sa Metro Manila dahil magagamit ng may 15 milyong commuters mula sa kabiserang rehiyon hanggang sa Laguna.
Ayon kina Goitia at Medina, una nilang layunin na maibalik ang kalidad ng tubig ng Pasig River sa Class C na maaaring mabuhay ang lamang-tubig at angkop sa transportasyon, paglilibang at turismo. Kapag nagawa ito, puwede nang simulan ang ferry service na makalilibot ang publiko hanggang sa trading centers at tourist spots sa Laguna Lake.
“Hindi lamang maibabalik ang makasaysayang ruta ng Pasig River at Laguna de Bay sa kondisyon para sa malusog na pamumuhay at ecotourism, makabuluhang proyekto rin ito para makapagbigay ng libo-libong trabaho sa ating mga kababayan upang makaigpaw sa kahirapan,”pagwawakas ni Goitia.