MANILA, Philippines - Tatlong abandonadonng lumang mga gusali ang tinupok ng apoy habang nadamay rin sa insidente ang dalawang bahay sa Pasig City kahapon ng umaga.
Sa report ni Fire Inspector Allan Floresca ng Pasig Fire Department, dakong ala-6:49 ng umaga noong sumiklab ang apoy sa tatlong abandonadong gusali na matatagpuan sa Calinangan, sa panulukan ng C. Raymundo Sts., Brgy. Caniogan, Pasig City.
Sinabi ng opisyal na mabilis na natupok ng apoy ang tatlong bodega na pag-aari ng Super Globe Incorported dahil sa luma na ito at marami ang nakaimbak na kahoy.
Ang sunog ay tumagal ng mahigit sa isang oras bago tuluyang naapula ng mga kagawad ng pamatay sunog at nadamay rin ang dalawang tahanan sa likurang bahagi nito.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumilitaw na ‘faulty electrical wiring’ ang sanhi ng sunog na umabot sa ikalawang alarma. Wala namang iniulat na nasaktan at nasawi sa insidente na aabot sa P500,000 ang pinsala.