Retiradong US Marines utas sa tandem

MANILA, Philippines - Patay ang isang retiradong US Marines matapos na pagbabarilin ng hindi pa nakilalang riding in tandem sa naganap na pananambang sa kahabaan ng national highway ng Brgy. Bato, Biliran, Biliran  nitong Biyernes ng hapon.

Kinilala ni Chief Inspector Maria Bella Rentuaya, Spokesperson ng Eastern Visayas Police ang nasawing biktima na si Harvy Abrams, 74 anyos , American national, residente ng Sitio Bantilan, Brgy, Bato ng bayang ito.

Ang biktima ay nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan na idineklarang dead-on-arrival sa Biliran Provincial Hospital.

Sa imbestigasyon, sinabi ni Rentuaya, kasalukuyang bu­mabagtas sa kahabaan ng national highway sa lugar  ang kulay asul na Toyota Wigo na sinasakyan ng biktima at ng Pinay na misis nito na si Maria Abrams, 35 anyos ng mangyari ang insidente bandang alas -3:35 ng hapon.

Ang mag-asawa ay patungo sa Naval, Biliran nang sundan at pagbabarilin ng mga armadong salarin na dinikitan ang behikulo ng mga ito saka pagbabarilin ng mga armadong ri­ding-in-tandem.

Narekober  naman ng mga nagrespondeng mga awtoridad sa crime scene ang isang piraso ng granada at mga basyo ng hindi pa natukoy na kalibre ng armas. Isinasailalim pa sa masusing imbestigasyon  ng mga awtoridad ang kasong ito at ang motibo ng krimen.

 

Show comments