Lascañas kinuwestiyon ang pagbawi ng naunang testimonya
MANILA, Philippines - Kinuwestiyon ni Senator JV Ejercito ang motibo ni dating SPO3 Arthur Lascañas sa pagdinig kahapon ng Senate committee on public order and illegal drugs ang pagbawi ng kanyang naunang testimonya na hindi totoo ang Davao Death Squad (DDS) na resulta lamang umano ng “media hype”.
Ayon kay Ejercito, apat umano sa business proposals ni Lascañas ay hindi napagbigyan ng mga kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte ang apat nitong kahilingan tulad ng pagkuha ng franchise para sa isang small town lottery (STL), pagtatayo ng isang customs brokerage, aplikasyon para mag-operate ng isang van terminal sa Davao City, at pagsu-suplay sa isang quarry para sa panukalang 53 kilometer Coastal Road sa Toril-Bunawan.
“It appears that our witness here ay naka-‘strike 4’ after his retirement. Wala sa apat na nilakad niyang mga pabor para sa business interests ng Davao Group tulad ng STL franchise, van terminal, quarry, at customs brokerage ay napagbigyan. Kaya siguro nagbago siya ng statement at sinisiraan na niya ngayon si President Duterte,” pahayag ni Ejercito.
Sinabi ni Ejercito na matapos ang retirement noong Disyembre 2016, posibleng naging mataas umano ang expectation ni Lascañas at nadismaya ito matapos wala sa nais niyang negosyo ang napagbigyan.
Kinuwestiyon ng ilang senador kung bakit binawi ni Lascañas ang naunang testimonya kaugnay sa DDS sa pagdinig sa Senado noong Pebrero 20, 2017 gayong nangyari ang sinasabi niyang ‘spiritual renewal’ noong Setyembre 2015.
- Latest