MANILA, Philippines - Aabot sa mahigit 100 katao kabilang ang isang wanted sa batas ang nasakote ng pulisya sa ikinasang “One Time Big Time Operations sa lungsod ng Parañaque kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Police Sr. Supt. Jemar Modequillo, hepe ng Parañaque City Police, nagsimula ang kanilang operasyon alas-10 ng gabi sa Brgy. San Dionisio at San Isidro ng naturang siyudad.
Nabatid, na 15 sa mga nadakip ay walang pang itaas na damit, 46 ang pawang mga menor de edad na lumabag sa curfew hours, 31 ang mga umiinom sa kalye at 11 ang pawang may mga warrant of arrest o mga wanted.
Samantalang nasamsam rin ang 24 pirasong motorsiklo, na walang mga kaukulang dokumento. Idinagdag pa ng opisyal na paiigtingin nila ang operasyon upang malinis sa illegal na gawain at madisiplina ang mga pasaway na residente sa lungsod.