MANILA, Philippines - Binigyang linaw kahapon ng Manila Police District (MPD) na hindi mga extortionist ang dalawa nilang tauhan na inaresto ng Philippine National Police-Counter Intelligence Task Force (PNP-CITF) at ipinagharap ng unlawful arrest sa Department of Justice (DOJ) noong nakalipas na Miyerkules.
Sa inilabas na spot report ng MPD-Station 5, sina PO1 Mark Jonald Jose at PO1 Glenn Anthony Radovan na kapwa nakatalaga sa MPD Station 5 ay isinailalim sa inquest proceedings noong Marso 1 sa DOJ sa paglabag sa unlawful arrest o Article 269 ng Revised Penal Code, gayung sila ay rumesponde lamang sa reklamo ng Barangay 658, Zone 69 upang sitahin ang dalawang naka-sibilyan na armado ng mga baril.
Nang dumating sa Bonifacio Drive sina PO1s Jose, Radovan, Kagawad Joselito Casaway at mga barangay tanod, ay nakita ang dalawang lalaki kaya sinita at dinisarmahan at ipinosas subalit nagpakilalang mga pulis din ang dalawang inaaresto na sa huli ay natuklasang mga operatiba ng CITF.
Sinagot ni PO1 Radovan: “Wala naman po problema sir may complaint lang po sa inyo sumama na lang po kayo sa PCP” na hindi pinansin ng dalawang miyembro ng CITF at sumagot naman ang isa sa CITF na “ Antayin ko lang OIC namin” hanggang sa pumarada na ang sasakyan kung saan sakay ang mga nakasibilyang kasamahan nila.
Doon na pinadapa ang dalawang pulis at sinipa pa umano si Jose at si Radovan ay sinapak ng di pa tukoy na pagkilanlan ng mga CITF bago isinakay sa kanilang dalang Toyota Innova na kulay pula.
Nang kapanayamin si MPD Director, Chief Supt. Joel Napoleon Coronel, mali ang ginawa ng CITF dahil wala silang koordinasyon sa MPD na planong magsagawa ng entrapment sa mga sinasabing nangongotong na mga pulis sa lugar at wala ring naka-uniporme kaya nagkaroon ng hindi magandang resulta.
Plano ng mga testigo na tumulong at tumestigo para kina PO1s Jose at Radovan na nabiktima ng ‘wow mali’ at pananakit na may kinakaharap pang kaso.
May ebidensiyang kuha sa closed circuit television (CCTV) hinggil sa insidente bukod pa sa pagpapahayag ng chairman ng lugar na mga rumesponde lamang ang dalawa sa tawag ng tungkulin at hindi sila ang mga extortionist na pakay sa entrapment operation ng CITF.