KARUMAL-DUMAL ang ginawang pagpugot ng Abu Sayyaf sa bihag nilang German national na si Juergen Gustav Kantner. Dito ay namayani talaga ang pagiging terorista na nagpapasiklab ng takot sa katauhan.
Talagang sisiklab ang kalooban ninuman lalo pa nga’t ikinalat ng mga bandido ang video kung paano nila pinugutan ang dayuhan matapos na hindi makapagbigay ng P30 milyon ransom sa Sulu.
Parang manok na ginigilitan ng mga ito ang kanilang bihag dahil lamang sa bigong magbigay ng ransom. Kung tutuusin alternatibo na lamang ang ransom na hinihingi ng mga terorista dahil ang tunay na pakay ng mga iyan, ayon sa pag-aaral ng mga anti-terrorism group ay talagang magpalaganap ng takot sa tao.
Hindi naglaon, ginawa na nilang negosyo ang manghingi ng ransom sa bibihaging biktima. Kaya nga kinukunan na nila ng video at sila mismo ang nagpapakalat para manakot kasabay ng kanilang pagkita.
Dapat lupigin na at huwag nang bigyan nang pagkakataon ang mga ito gaya nang ginagawa nila sa kanilang mga biktima. Bombahin , durugin na, kapag ganito ang ginawa, naku wala kahit isa man marahil ang tututol o kokondena sa ganitong pag-aksyon.
Wala na sa tamang pag-iisip ang mga ito na hindi mo malaman kung ano ang gusto at walang ipinaglalaban. Pera-pera lang naman ang lakad at ang layon ay maghasik ng takot sa mga mamamayan.
Hindi na dapat magpatumpik-tumpik ang AFP sa pagdurog sa mga ito.
Sinasabing isinasang-alang alang pa marahil sa operasyon ang hawak pa ng mga ito na bihag na mahigat pa sa 20, pero malamang na madagdagan pa iyan dahil nga hindi tumitigil ang grupong ito sa paghahasik ng terorismo.
Ang misis ni Kantner na si Sabine ay una nang pinatay ng mga bandido noong Nobyembre, ginahasa na at binaril sa ulo sa loob ng isang Yate sa Tawi-tawi.
Marami nang pinahirapan ang mga ito, kaya panahon na para pulbusin na ito nang tuluyan.