MANILA, Philippines - Hindi sinipot ni Pangulong Rodrigo “Digong “ Duterte ang huling araw ng paggunita kahapon sa ika-31 taong anibersaryo ng EDSA People’s Power 1 o ang mapayapang rebolusyon sa bansa na hinangaan sa buong mundo .
Sa halip nitong Sabado ng umaga ay pinangunahan nina AFP Chief of Staff Gen. Eduardo Año ang ginanap na wreath laying Ceremony sa EDSA People Power Monument sa Quezon City bilang bahagi ng paggunita sa ika-31 taon nitong anibersaryo.
Ayon kay Col. Edgard Arevalo, si Gen. Año ang nagsilbing host ng seremonya kasama si dating Executive Secretary of the Philippines Eduardo Ermita na nagsilbing honoree na kinatawan si dating Pangulong Fidel Ramos. Humabol at nakiisa naman sa pagdiriwang ng EDSA 1 si dating Pangulong Benigno Simeon Aquino III.
NItong Biyernes ay dumalo sa simpleng seremonya sa pamamagitan ng misa at awarding ceremony sa grandstand ng Camp Aguinaldo ang mga key players ng EDSA na sina dating Pangulong Ramos, dating Colonel at ngayo’y Senador Gregorio Honasan gayundin si dating Defense Minister at dati ring Senate President Juan Ponce Enrile.
Magugunita na naganap sa kahabaan ng Efipanio de los Santos Avenue (EDSA) ang mapayapang rebolusyon sa bansa noong Pebrero 1986 na hinangaan at pinamarisan sa buong mundo.
Samantalang nasa 200 security personnel o mga sundalo mula sa Joint Task Force-National Capital Region at major services ang ipinakalat sa lugar upang tiyakin magiging mapayapa ang simple subali’t makabuluhang selebrasyon ng People’s Power 1. Nagdaos din ng kilos protesta ang mga pro at anti-Duterte sa nasabing okasyon.