Magsasaka sinuwag ng kalabaw, dedo

MANILA, Philippines - Malagim na kamatayan ang sinapit ng isang 56-anyos na magsasaka matapos itong suwagin ng magwala ang alagang kalabaw sa kanilang bukirin sa bayan ng Villaverde, Nueva Vizcaya, ayon sa ulat kahapon.

Kinilala ang nasawing biktima na si Rolly Vicente, na nagtamo ng malalalim na sugat mula sa sungay sa pagsuwag ng alagang kalabaw.

Ang bangkay ng biktima ay narekober ng mga kamag-anak nito na natagpuan sa kaniyang bukirin na duguang nakabulagta.

Sa ulat ng Nueva Ecija Police, naitala ang insidente sa bukirin ng biktima sa Brgy. Nagbitin, Villaverde ng lalawigang ito matapos na maagang umalis ng tahanan si Vicente para magsaka sa bukirin.

Ang biktima ay nagtamo ng malalalim na sugat sa leeg, likurang bahagi ng katawan at balikat na siya nitong ikinamatay. Ang bangkay nito ay nadiskubre nitong Miyerkules ng hapon matapos na sundan ng kaniyang pamilya sa bukid ng mabigong umuwi ng kanilang tahanan.

Agad namang ibinenta ng pamilya ng biktima ang nasabing kalabaw na pinaniniwalaang nagwala matapos itong saktan ng amo. Isinasailalim pa sa masusing imbestigasyon ang kasong ito.

Show comments