MANILA, Philippines - Tinanggal na bilang second nominee at miyembro ng Kabayan partylist si Congressman Ron Salo at tatlong iba pa na kasama ng kongresista sa ginanap na special party congress assembled na dinaluhan ng ilang Comelec Representatives.
Bukod kay Salo sinibak din sina Pedro Parrocho, Joshua Sebastian, at Vic Caguimbal sa Kabayan partylist dahil sa paglabag sa kanilang Constitution and By-Laws na nilagdaan ng mga dumalo sa delegasyon.
Binalewala rin ng Comelec-registered voting members ng Kabayan ang binuo ni Salo na “Board of Trustees” na hindi naman kinikilala at hindi nag e-exist sa ilalim ng kanilang Constitution and By laws.
Si Parrocho, Sebastian, at Caguimbal ay miyembro ng Board of Trustees na illegal umanong itinatag ni Salo.
Sinabi ni Kabayan Secretary-General Rogel Navarro sa katunayan ay maraming opisyal at miyembro na dumalo sa Special Party Congress ay nagulat na ang nasabing board ay itinatag ng hindi nila alam.
Nakasaad sa Section 1 ng Article IV ng Kabayan Party-list Constitution and By-Laws na ang party Congress ang siyang highest policy-making body ng partido, may kapangyarihan itong mag-elect at magtanggal ng miyembro na lalabag sa kanilang by laws.
Pinawalang bisa din ng Special Party Congress ang ipinalabas na Resolution No. 2017-01 ni Salo na nagtatanggal kay Roque bilang Kabayan Party list nominee, nilinaw ng partido na nanatiling First Nominee ng partido si Roque.