MANILA, Philippines - Nadakip ng pulisya at militar sa isang joint operation ang mag-asawang lider ng New People’s Army (NPA) sa pantalan ng Ozamis City, Misamis Occidental.
Ang mga nahuli ay ang mag-asawang Lito Elmedolan alyas Ka Ondoy, at Maria Bella Elmedolan, kapwa high ranking NPA leaders, residente ng Prosperidad, Agusan del Sur.
Ang hakbang ay matapos na maglabas ng mandato si Pangulong Rodrigo Duterte na tugisin ang lahat ng mga miyembro ng NPA.
Nabatid na inaresto sa pantalan ng Ozamis City ang mag-asawa na kung saan si Lito ay itinuturong opisyal ng Technical Ordnance Committee o taga-gawa ng bomba ng NPA habang nagsisilbing finance committee officer naman ang kanyang misis na si Maria.
Ayon kay S/Supt. Jaysen de Guzman, police provincial director ng Misamis Occidental na may matitibay na ebidensya silang mula sa inteligence report ng AFP.
Nabatid na ang mag-asawa ay inaresto sa bisa ng arrest warrant na inisyu ni Judge Kimal Salacop, Regional Trial Court Branch 6, 10th Judicial Region, Prosperidad, Agusan del Sur sa kasong multiple attempted murder na pansamantalang nakakulong CIDG detention cell ng Cagayan de Oro City at nakatakdang ibiyahe sa Agusan del Sur para sa paglilitis.
Samantala, napatay naman sa shootout ang supply officer na si Glenn Ramos alyas Berdan, 40, ng Purok 4, Don Julian, Brgy. Maa, Davao City kamakalawa ng hapon.
Ayon kay Captain Rhyan Batchar, Spokesman ng Army’s 10th Infantry Division (ID) kasalukuyang isinisilbi ng tropa ng militar at pulisya ang warrant of arrest sa kasong attempted homicide laban kay Ramos nang kumasa ito sa arresting team.