Police ‘scalawags’ ilipat sa basilan

Sermon at malulutong na mura mula kay Pangulong Rodrigo R. Duterte ang inabot ng mga police scalawags nang ito ay humarap kahapon sa Malacañang dahil sa pagkakasangkot ng mga ito sa iba’t ibang uri ng criminal activities. Krizjohn Rosales
Duterte: Kung ayaw mag-resign...
MANILA, Philippines - Nakatikim ng malulutong na mura at sermon ang mahigit 300 police scalawags o tiwaling mga pulis kay Pangulong Rodrigo Duterte nang iharap ito kahapon ni PNP Chief Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa sa Malacañang.
Galit na galit si Pangulong Duterte nang iharap sa kanya ang mga pulis na sangkot sa iba’t ibang uri ng krimen tulad nang panghoholdap at pangongotong.
Anya, ilan sa mga pulis ay pumapasok sa ilegal na gawain upang masustentuhan ang kanilang marangyang pamumuhay at pagsuporta sa kanilang maraming asawa o kabit.
“Kaya naman meron talagang mga kagaya niyong mga ulol na ugok, p***** i** hindi kayo -- gusto niyo habang pulis kayo mas marami,” wika ni Duterte.
“Eh kaso nag-aambisyon kayo ng mas malaking kita. Kunin niyo sa mga vendor, driver, kung anong ka-p***han, magka-pera lang. Minsan holdap, minsan mga inosenteng tao sinisita niyo, kung ano anong kalokohan ang sinasabi niyo.”
Binigyan ng Pangulong ng 15 araw ang mga nasabing pulis na maghanda para mapadala sa Basilan o magbitiw na lang.
“Prepare to move out. I’ll give you two weeks from now, 15 days. If you don’t want to go there, go to your superior and tell them that you are going to resign,” wika ni Duterte.
“Ipadala ko kayo sa Basilan. Tumira kayo doon ng mga dalawang taon. Kung lumusot kayo ng buhay balik kayo rito. Kung doon kayo mamatay, sabihin ko sa pulis huwag na maggastos para dalhin pa kayo rito. Doon na kayo ilibing. Doon niyo ipakita ang kalokohan niyo.”
Nais sana ng Pangulo ang mga tiwaling pulis na maglinis ng water lily sa Pasig River sa harap ng Malacañang bilang disiplina pero walang water lily at tiyak na aalma na naman ang mga human rights group.
“Gusto ko kayong ihulog diyan… Huwag na lang, kasi itong human rights kung anong nakikita sa buhay ng isang taga-gobyerno na gustong disiplinahin kayo. Gusto kong palinisin kayo. Magbalik kayo rito, mag-swimming trunks. Linisin niyo ang Pasig River, inumin niyo kasi marumi. P***** i** kayo,” wika nito.
Nakatakda umanong lumikha si Pangulong Duterte ng isang task force na ang tanging trabaho ay i-monitor ang galaw ng mga police scalawags.
“Iyung na-dismiss, iyon ang mga sindikato. Kasi may alam kayo, kayo ang pina-kriminal, kapag naalis sa pulis. Alam niyo ang pasikot-sikot eh,” dagdag pa ng Pangulo.
Dapat sana ay nasa 387 pulis ang magtutungo sa Malacañang, subalit 339 lang ang nagpunta na ayon kay Dela Rosa ay maaaring hindi na nagre-report sa kanilang mother unit o dumadalo sa kanilang mga kaso.
Magugunita na kamakailan ay pinatigil ni Duterte ang war on drugs matapos na kidnapin at patayin ang Korean businessman Jee Ick-joo ng mga police scalawags.
- Latest