Pulis Maynila itinumba
MANILA, Philippines – Napaslang ang isang 38 anyos na aktibong miyembro ng Manila Police District (MPD) makaraang pagbabarilin ng isa sa backriders ng anim na kalalakihan na magkakaangkas sa tatlong motorsiklo sa tapat ng isang mall sa Ermita, Maynila kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang biktima na si PO2 Erickson Peralta, nakatalaga sa MPD-Theft and Robbery Section (TRS), residente ng # 371 Llana St. Tondo, Maynila.
Ang biktima, anak ni dating Inspector Nonoy Peralta na dating nakatalaga sa MPD Station 5, ay dead-on-the-spot sa tinamong mga tama ng bala ng cal. 45 sa ulo, mukha, panga, katawan at braso.
Sa ulat ni SPO4 Ronald Gallo ng MPD-Homicide Section, dakong alas 7:46 ng gabi nitong Biyernes nang maganap ang insidente ng pamamaril sa biktima sa tapat ng Robinsons Mall sa J. Bocobo St., malapit sa panulukan ng Padre Faura Street sa lungsod.
Nagmamaneho umano ang biktima ng Yamaha motorcycle na kulay itim na may kumbinasyong green na may plakang BOTH 46 nang harangin at pagbabarilin ng mga salarin.
Matapos na masigurong patay na ang biktima ay mabilis na nagsitakas ang mga suspek patungo sa hindi pa malamang destinasyon. Iniimbestigahan pa ang motibo ng pamamaslang.
- Latest