2 rookie cop sinibak sa kotong

Kinilala ang dalawang suspek na sina PO1 Benjie Sumaya, 35, ng Tondo, Maynila; at PO1 Denmark Pacheco, 30, ng Taguig City, kapwa nakatalaga sa Police Community Precinct ng Valenzuela City Police.
File Photo

MANILA, Philippines -  Sinibak sa kanilang puwesto ang dalawang baguhang pulis makaraang ireklamo ng pangongotong sa dalawang tao ng P24,000 at tinangay pa ang mga alahas sa Valenzuela City.

Kinilala ang dalawang suspek na sina PO1 Benjie Sumaya, 35, ng Tondo, Maynila; at PO1 Denmark Pacheco, 30, ng Taguig City, kapwa nakatalaga sa Police Community Precinct ng Valenzuela City Police.

Pinadisarmahan at tinanggalan na ng tsapa at PNP ID ang dalawang pulis at ipinag-utos na ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa kanila bukod pa sa kasong administratibo.

Sa ulat ng Valenzuela City Police, Enero 6 nang dakpin nina PO1s Sumaya at Pacheco sina Benjie Macapagal, 34; at Dimple Magramo, 34, sa may San Miguel Heights, Brgy. Marulas, dahil sa umano’y kaso sa iligal na droga. 

Ngunit sa halip na dalhin sa istasyon ng PCPP 3, dinala sina Macapagal at Magramo sa lumang istasyon ng PCP 3 sa may Dona Ata Street, Brgy. Marulas at nanghingi umano ng P100,000 kapalit ng kanilang kalayaan at kung hindi ay masasampahan ng kaso na walang piyansa.

Nagawa namang makahingi ng kabuuang P24,000 ng mga biktima sa kanilang magulang habang tinangay rin umano ng mga suspek ang mga silver na alahas  at cellular phone nina Macapagal at Magramo. 

Dito lamang sila pinalaya ng mga pulis matapos na manakot na huwag magsusumbong kahit kanino dahil sa posibleng may masamang mangyari sa kanila.  

Enero 26 nang muling bumalik ang dalawang pulis sa bahay ng mga biktima at muli silang binantaan na huwag magsusumbong dahil sa posibleng ma-bonnet gang umano sila.  Dito na nangamba sa buhay si Magramo kaya naisumbong ito sa kanilang kaanak na siya namang nag-ulat ng insidente kay Police Sr. Insp. Gina Farinas, hepe ng PCP 3.  

Nagkasa ng entrapment operation ang PCP 3 na nagresulta sa pagkakadakip sa dalawang pulis.

Show comments