MANILA, Philippines – Labinlimang terorista na kasama ni Abu Sayyaf leader Isnilon Hapilon, na umano ay may-ugnayan sa Islamic State ang napatay sa isinagawang airstrikes noong Huwebes.
Ito ang kinumpirma kahapon ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Public Affairs chief Col. Edgard Arevalo na ang mga nasawi ay mula sa Abu Sayyaf group na pinangungunahan ni Hapilon, at Maute terror group.
Isa sa nasawi ay isang Indian national na kinilala sa alias Mohisen.
Sa isinagawang opensiba ng militar ay pito ang nasugatan kabilang na si Hapilon na kasama sa listahan ng United States bilang “Most Wanted Terrorists.”
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana na malubhang nasugatan si Hapilon na binubuhat ng apat na lalaki sa stretcher.
Nagpapatuloy ang tropa ng pamahalaan sa pagbobomba kahapon sa grupo ni Hapilon.
Si Hapilon, 50 na senior leader ng Abu Sayyaf, ang notorious kidnap-for-ransom gang na nakabase sa Mindanao na kung saan ay kinikilala na ng IS bilang lider sa Southeast Asia.
May nakapatong na $5-milyon sa ulo ni Hapilon na mula sa US government dahil sa ginawang pagkidnap nito noong 2001 sa tatlong Amerikano sa Palawan na kung saan ang isa dito ay pinugutan ng ulo sa Basilan habang ang isa ay napatay sa crossfire ng mga sundalo sa isang rescue operation noong 2002 habang ang ikatlong bihag ay pinalaya.