Zipper lane ng MMDA, tigil muna
MANILA, Philippines - Hindi muna ipatutupad ng MMDA ang zipper lane matapos na umani ito ng batikos buhat sa mga motorista sa isinagawang dry run kahapon na lalong nagpasikip sa daloy ng trapiko.
Dahil nga dito, naasar ang maraming motorista at inulan ng batikos ang MMDA at mga enforcer nito. Inihayag ni MMDA Officer-In-Charge (OIC) at General Manager Tim Orbos na hindi muna nila ipapatupad sa darating na Lunes ang zipper lane partikular nga sa kahabaan ng EDSA.
Alas-9:30 ng umaga kahapon isinagawa ang dry-run sa pamumuno nina Orbos at General Manuel Gonzales sa EDSA Main Avenue Northbound.
Napansin na hindi naging epektibo, kundi lalong nakapagpabigat sa daloy ng trapiko. Sa obserbasyon, naging mabilis ang daloy ng mga sasakyan sa Southbound na gumamit ng Zipper Lane, kung saan limang minuto lamang umano ang biyahe mula Main Avenue sa Cubao hanggang sa Ortigas sa Mandaluyong City.
Pero kapansin-pansin na mag alas-10:00 ng umaga ay tukod na ang traffic sa EDSA Northbound mula Shaw Boulevard hanggang Main Avenue.
Dahil ito sa sinakop na ng zipper lane ang innermost lane, at naging lima na lamang ang maaaring daanan ng mga sasakyan sa Northbound mula sa orihinal na anim na lane. Inakala rin ng mga motorista sa Northbound lane na ang mga asul na cones ay para sa U-turn slot kaya pumasok sila dito at sinalubong ang mga Southbound na sasakyan.
Ang mga kalituhan ay isa sa dahilan kaya pansamantala munang huwag itong ipatupad habang nagsasagawa pa ng masusing pag-aaral.
- Latest