MANILA, Philippines - Si PNP chief Director Gen. Ronald “Bato’ dela Rosa ang siyang napagdiskitahan ng netizens na nananawagan na dapat itong magbitiw sa pwesto kaugnay sa ulat na mismong sa loob ng Camp Crame o ng PNP headquarters pinatay ang dinukot na Korean national.
Resign Bato. Ito nga ang kumalat sa social media kahapon tulad ng twitter, facebook at iba pa matapos na aminin mismo ni Dela Rosa na sa Camp Crame pinaslang ng mga scalawags na pulis ang kinidnap na si South Korean trader Jee Ick Joo.
“It’s a biggest blunder ever, na-overshadow ang anti-drug campaign ng PNP, dapat on the issue of command responsibility, mag-resign na si Chief Bato,” anang isang Anna Marie sa kaniyang twitter account .
Nitong Huwebes ay nanlulumong sinabi ni Dela Rosa na ipinatawag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa palasyo ng Malacañang na hiyang –hiya siya at matutunaw sa matinding kahihiyan matapos na ikanta ni SPO4 Roy Villegas na sa loob mismo ng compound ng Camp Crame pinaslang ng kasamang si SPO3 Ricky Sta. Isabel ang biktima.
Si Ick Joo ay kinidnap ng grupo ni Sta. Isabel sa tahanan nito sa Angeles City matapos na magsagawa ng pekeng anti-drug operations noong Oktubre 18, 2016.
Lumilitaw sa testimonya ni Villegas na dinala si Jee sa Camp Crame at pinatay sa likuran ng tanggapan ng PNP-Community Relations Group malapit sa PNP Press Corps Office at may 100 metro lamang ang layo sa PNP National Headquarters kung saan nag-oopisina si Dela Rosa.
“It’s an isolated case, it’s too unfortunate that it happened,” ani PNP Spokesman Senior Supt. Carlos na ikinatwiran pang maganda ang tinatakbo at umaani ng tagumpay ang anti-drug campaign ng PNP sa ilalim ng Oplan Double Barrel at Oplan Tokhang dangan lamang at may ilang scalawags na tulad ni Sta. Isabel na sumisira nito.