MANILA, Philippines - Siyam katao ang naiulat na nasawi sa malawakang pagbaha sa Misamis Oriental, Cagayan de Oro City at Zamboanga del Norte dulot ng low pressure area na pinatindi pa ng tail end of the cold front.
Ang mga nasawi sa Cagayan de Oro City ay kinilalang sina Rudy Boy Cabido, 14, ng Brgy. Agusan at Zian Angel Montesino, 10, ng Brgy. Awang; pawang ng Opol at Franklin Ociosbello, 59, ng Brgy. Balulang ng nasabing lungsod.
Apat ang nasawi sa Misamis Oriental na kinilalang sina Jaime Chan, 3, ng Gingoog City; Kian Montecino, 10 ng bayan ng Opol, CJ Lapuz, 7 ng Magsaysay at Nilo Quiloman, 54 ng Gingoog City; pawang ng nalunod sa malawakang pagbaha na rumagasa sa malaking bahagi ng lalawigan.
Ang mga namatay naman sa Zamboanga del Norte ay magkapatid na sina Lean Denise Bayron, 5 at Aran Zurk Bayron, 3.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Ricardo Jalad, ang mga thunderstorms at malalakas na mga pag-ulan sa mga apektadong lugar ng Cagayan de Oro City.
Sinabi ni Jalad na nasa 1,116 pamilya o kabuuang 4,879 katao ang apektado sa Cagayan de Oro City at Misamis Oriental habang libo ring katao ang naitala sa iba pang mga lugar sanhi ng mga pagbaha.
Patay ang batang magkapatid habang isa pa ang nawawala matapos ang mga itong tangayin ng malakas na agos ng tubig baha sa magkakahiwalay na insidente sa bayan ng Jose Dalman at Roxas sa lalawigan ng Zamboanga del Norte kamakalawa sanhi ng malakakas na pag-ulan na dulot ng Low Pressure Area (LPA).
Sa ulat naman ng Provincial Disaster Risk Management Council (PDRMC) sa Zamboanga del Norte na natagpuan na kahapon ng umaga ang bangkay ng magkapatid na Bayron matapos na sila ay tangayin ng malakas na agos baha noong Lunes ng umaga sa Brgy. Lower Irasan, Roxas ng lalawigan kung saan ang insidente ay inireport ng kanilang pamilya sa pulisya kamakalawa dakong alas-8:00 ng gabi.
Iniulat naman ng Police Regional Office (PRO) 9 ang pagkawala ng biktimang si Alfie Saldero, 10, Grade 3 pupil ng Ponot Central School sa bayan ng Jose Dalman ng naturang probinsya.
Ang biktima ay iniulat na pumasok pa sa kanilang eskuwelahan noong Lunes sa Ponot Central School sa Brgy. Ponot ng bayang ito pero nabigo na itong makauwi sa kanilang tahanan.
Nabatid na ang masamang panahon ay nagsimulang naranasan sa mga apektadong lugar umpisa pa nitong Lunes.
Nagpapatuloy naman ang isinasagawang relief operations sa mga lugar na apektado ng flashflood.