Pasaway, kinatay ng matansero

MANILA, Philippines - Mistulang kinatay na hayop ang isang lalaki nang pagta­tagain ng isang matansero na pinagtripang pagbabatuhin ng una, kahapon ng madaling araw sa Caloocan City.

Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilalan sa biktima, na  tinatayang nasa 30 hanggang 40-anyos ang edad, 5’3 ang taas, medium built at nakasuot ng asul na t-shirt at cardo short pants, na nagtamo ng maraming saksak sa ibat-ibang bahagi ng katawan.

Nasa custody ngayon Caloocan City Police  ang suspect na si Romeo Ecal, 29,  driver-butcher,  residente ng Adante St., Brgy. Tañong, Malabon City.

Lumalalabas sa imbestigasyon nina P03 Noel Bollosa at P02 Cesar Garcia, ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), Caloocan City Police, naganap ang insidente ala-1:30 ng madaling araw.

Minamaneho ni Ecal ang kanyang sasakyan at habang nakahinto ito  sa tapat ng Barangay-8 Hall sa Dagat-Dagatan Avenue sa panulukan  ng C-4 Road  ng naturang lungsod, nang bigla na lamang sumulpot ang biktima at pinagbabato siya nito.

Hindi tinamaan si Ecal na bumaba sa kanyang sasakyan upang komprontahin ang biktima subalit, nagpatuloy pa rin ito sa pambabato, kung kaya’t binunot ng suspect ang patalim na ginagamit nito sa pagkatay ng baboy at dito pinag-uunda­yan ng saksak ang biktima.

Sumuko naman sa mga tanod ang suspect na si Ecal, na nahaharap ngayong sa kasong pagpatay. Lordeth B. Bonilla

Show comments