MANILA, Philippines - Dalawa katao, kabilang ang isang babae na pinaniniwalaang sangkot sa ipinagbabawal na gamot ang nasawi sa magkahiwalay na pamamaril sa Navotas City, kahapon ng umaga.
Namatay noon din ang mga biktimang sina alyas Joan, 27, taga Brgy. San Jose, kilala umanong drug runner at Samson Genova, alyas Ikoy, 35, ng Roldan St., Brgy. Tangos, kapwa ng naturang lungsod sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa ibat-ibang bahagi ng katawan.
Alas-10 kahapon ng umaga nang makita ng mga saksi ang pitong katao na sakay ng kani-kanilang mga motorsiklo na pumasok sa loob ng Brgy. San Jose public cemetery bago nakarinig ang mga ito ng sunud-sunod na putok ng baril.
Pagkatapos ay mabilis na tumakas ang mga suspect sa hindi matukoy na direksyon habang nadiskubre naman nina Brgy. Kagawad Boyet De Guia ang duguan at wala ng buhay na si Joan. Kamakailan ay sumuko si Joan sa ‘Oplan Tokhang’.
Ayon sa pulisya, naunang pinagbabaril ng hindi kilalang mga suspect si Genova sa kahabaan ng E.R Cruz St., Brgy Tangos at pagkatapos ay mabilis na nagsitakas sakay ng motorsiklong walang plaka.
Si Genova ay nasa drug watchlist dahil sangkot umano ito sa pagbebenta ng droga. Lordeth B. Bonilla