MANILA, Philippines - Pinalaya na ng mga bandidong Abu Sayyaf ang hostage ng mga itong Korean ship captain at tripulanteng Pinoy matapos ang tatlong buwang pagkakabihag sa Brgy. Kagay, Indanan, Sulu nitong Sabado ng umaga.
Kinilala ni Armed Forces of the Philippines Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla ang mga pinalayang bihag na sina Park Chulhong, kapitan ng M/V Dong Ban Giant at ang Pinoy crew nitong si Glenn Alindajao.
Bandang alas – 7 ng umaga nang pakawalan ng mga kidnappers sa pamumuno ni Abu Sayyaf Commander Al Bagade, alyas Sayning Ivo ang mga bihag sa kuta ng mga ito sa Camp Bakud sa kagubatan ng Brgy. Kagay, Indanan.
Nabatid naman sa sources na nakatulong ng malaki sa pagpapalaya sa mga bihag sina Moro National Liberation Front (MNLF) Commander Abraham Joel at Adon Adak na siya namang naghatid sa mga pinalayang hostages sa tahanan ni dating Sulu Gov. Abdusakur Tan.
Si Tan ang nag-turn over sa mga bihag kay Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza na dumating sa lugar lulan ng learjet dakong alas-7:45 ng umaga upang sunduin ang mga hostages.
Bandang alas-11:15 ng umaga nang umalis si Dureza sa paliparan ng Jolo, Sulu lulan ng Learjet tail number RP C1432 patungong Davao City upang iprisinta ang mga pinalayang hostages kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinasabing nagbayad umano ang pamilya ng mga bihag ng P25-M sa mga kidnappers kapalit ng kalayaan ng mga ito. Gayunman, ayon kay AFP Western Mindanao Command Spokesman Major Felimon Tan, patuloy nilang bineberipika ang bagay na ito.
Inihayag ni Tan na ang mga biktima ay binihag ng mga bandido matapos atakehin ang Korean vessel M/V Dong Bang Giant 2, 11,400 ton heavy load carrier na sinasakyan ng kapitan at 20 pa nitong tripulante noong Oktubre 20, 2016 sa karagatan ng Bongao, Tawi-Tawi kung saan ang mga hostages ay dinala at itinago sa Sulu.