MANILA, Philippines - Sa isang pambihirang pagkakataon na ang naisin ay lalong lumakas ang relasyon ng dalawang bansa ay binisita kahapon ni Japanese Prime Minister Shinzo Abe ang bahay ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Davao City.
Nakasuot ng asul na polo shirt, inilibot ni Duterte si Abe sa loob ng kanyang bahay at dito ay ipinaghanda ng Pangulo si Abe ng agahan na biko, suman at kutsinta at mongo soup.
Ang mga larawan ng pagbisita ay inilabas ni President’s special assistant, Christopher Go.
Napangiti si Abe nang ipakita sa kanya ni Duterte ang kanyang silid at kulambo.
Bukod dito ay ipinatikim rin kay Abe at kanyang First Lady na si Akie Abe ang ipinagmamalaking prutas ng Davao City tulad ng suha, durian, marang, mangostine sa garden ng Waterfront Insular Hotel matapos nitong pangalan ng ‘Sakura” ang inampon nilang Philippine eagle na nasa pangangalaga ng Philippine Eagle foundation sa Davao.
Umalis na din kahapon bandang alas-12:20 ng tanghali si Abe at kanyang delegasyon matapos ang 2-araw na official visit sa Pilipinas.