LPG refilling station sumabog: 23 sugatan
MANILA, Philippines – Nasa 23 katao ang nasugatan sa naganap na dalawang pagsabog sa isang liquefied petroleum gas (LPG) refilling station, na nauwi pa sa sunog sa Barangay San Miguel, Pasig City kahapon ng madaling araw.
Batay sa ulat, dakong ala-1:06 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa Omni Gas Corporation, na nagre-refill ng mga LPG tanks, na matatagpuan sa Sandoval Avenue sa Barangay San Miguel ng lungsod.
Lumilitaw na naipong LPG fumes ang siyang pinagmulan ng pagsabog, na nauwi sa sunog, at nadamay ang mga kalapit na bahay, isang hardware store at maging ang Flying V gas station.
Ilan sa mga nasugatan ay nakilalang sina Epifanio Ausa, 50, na manggagawa sa isang kalapit na furniture store, na sinasabing nadaganan ng isang bumagsak na bahagi ng pader; at mga empleyado ng Ragasco na nakilalang sina Adonis Munoz, 22; Jayro Soriano, 22; Jectopher Cawili, 21; Romeo Eugenio, 28; Camilo Alcaraz, Jr, 18;Alejandro Conrad, 42; Raymundo Saturnino, 20; Jason Dagaw, 25; Philip Villota, 28; Domingo Guira, 29; Jeffrey Eugenio, 35; Raymart Eda, 22; Joel Eda, 28; Ramil Reden, 21; Arvin Bautista, 20; Jeter Brillantes, 25; Noriel Salamio, 22; Bryan Ludrico, 20 at William Khey, 39 na isinugod sa Rizal Medical Center, Pasig City General Hospital at Mandaluyong Medical Center.
Nabatid na ang 13 sa mga pasyente ay kritikal ang kondisyon matapos na magtamo ng 3rd degree burns.
Lumalabas na ang mga ay naipong LPG fumes sa loob ng storage area ng refilling station na naging sanhi ng pagsabog na ikinasira ng mga bahay, bumagsak ang kisame, may mga bumagsak na pader at may mga nabasag na salamin.
Dakong ala-1:21 ng madaling araw ay iniakyat na sa ikalimang alarma ang sunog ngunit kaagad itong naideklarang under control dakong ala-1:57 ng madaling araw at tuluyang naapula pagsapit ng alas-3:10 ng madaling araw. Aabot sa P20 milyon ang napinsalang mga ari-arian.
- Latest