MANILA, Philippines – Nadiskubre ng mga otoridad ang nasa 6 kalansay ng tao na isinimento sa pader na dingding ng basement ng isang abandonadong bahay sa Islamic Center, Marawi St., Quiapo, Maynila kahapon.
Batay sa ulat, bago nadiskubre ang mga kalansay dakong alas-7:30 ng umaga ay aksidenteng nakapasok ang mga naglalarong bata sa loob ng abandonadong gusali at masangsang na amoy ang bumulaga sa kanila na halos ikabaligtad ng kanilang mga sikmura.
Ipinarating nila ito kay Sultan Yusoph Guinto, officer-in-charge ng Barangay 648, Zone 67 at hinanap ang pinagmumulan ng baho hanggang sa matagpuan ang mga kalansay na nakasalansan sa pagkakasemento sa dingding na malapit sa hagdanan ng basement.
Kinumpirma ni Guinto na ang inabandonang gusali ay dating pinaglulunggaan ng mga drug pusher at naniniwala siya na may kaugnayan sa iligal na droga ang natagpuang kalansay.
Sinasabi ring hideout umano ni dating Chairman Faiz Macabato, ng nasabing barangay ang gusali at nang mapatay ito noong Oktubre 7, 2016 kasama ang anim na iba pa sa isinagawang raid ay nagsialisan na ang mga nanunuluyan dito.
Sa impormasyon, kalakaran na sa nasabing lugar na pag may atraso ang mga bumibili ng iligal na droga ay hindi na nakalalabas ng buhay at posibleng higit pa sa 6 kalansay ang posibleng hindi nakapag-remit ang nakalibing doon.