MANILA, Philippines - Sa gitna ng isyu na may mga hindi natutuwa sa kanyang pamamahala bilang lider ng Senado ay hindi nababahala si Senator Aquilino “Koko” Pimentel III na mapalitan siya sa puwesto.
Anya, normal lamang na hindi lahat masaya ang mga miyembro sa anumang collegial body o at kahit pa sa isang klase na may 40 estudyante.
Hindi na umano niya pinapansin ang mga maliliit na isyu at ang mahalaga ay ang suporta ng 13 senador.
Ayon pa kay Pimentel na kung may isang senador na makakakuha ng suporta ng 13 nilang kasamahan ay ito ang dapat mamuno ng Senado.
Matatandaan na si Pimentel ang napiling lider ng Senado sa pagbubukas ng kasalukuyang 17th Congress at nag-iisang senador na kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte sa PDP-Laban.