Sa loob ng 6 buwan-AFP... Sayyaf, Maute atbp tutuldukan

MANILA, Philippines - Anim na buwang palugit ang ibinigay kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP)  upang tuldukan na ang mga bandidong Abu Say­yaf Group, Maute terror group, Bangsa­moro Islamic Freedom Fighters (BIFF)  at iba pang teroristang grupo na banta sa pambansang seguridad.

Ito ang inihayag kahapon ni Defense Secretary Delfin Lorenzana  na siyang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa tropa ng militar ngayong taon.

Sa ginanap na New Year’s call 2017 sa Tejeros Hall sa AFP Commissioned Officers Club sa Camp Aguinaldo, sinabi ni Lorenzana bahagi rin ng direktiba ni Duterte ay palakasin ang  kampanya upang ma­tuldukan ang piracy, kidnappings at bombings sa rehiyon ng Mindanao.

Nang matanong naman si AFP Chief of Staff Gen. Eduardo Año na sa kasalukuyan ay nasa 51 batalyon o kabuuang 22,500 sundalo ang  nakadeploy sa Western Mindanao upang tuldukan ang mga teroristang grupo.

Sa kasalukuyan, puspusan ang opensiba ng tropa ng militar laban sa Abu Sayyaf Group na may hawak pang 27 hostages kabilang ang isang German, isang Dutch, Isang Korean, anim na Vietnamese, limang Malaysians, apat na Indonesians at siyam na Pinoy sa Sulu at Basilan.

Target ring lipulin ang Maute terror group, Bangsamoro Islamic Freedom Figh­ters (BIFF) at Al Ansar-­Khilafah Philippines.

Show comments